Monday, August 22, 2011

Kaninong Salita Ka?

Sa hinaba-haba ng mga panahon ko ay ngayon lang ako makakapagsulat ng isang Tagalog na blog post. Yeah.

Ngayong araw na ito ay nakabili ako sa National Bookstore (sa wakas) ng "This is a Crazy Planets" ni Lourd de Veyra. Para sa mga hindi siya kilala, si sir Lourd ay isang essayist, TV personality, at bokalista ng bandang Radioactive Sago Project. Malupit siya ngunit nakakabilib - yung tipong maiinis ka pero matatawa ka. Yun bang sa sobrang congested na ng Pilipinas ay saka mo lang malalaman ang mga tunay na ibig sabihin ng mga bagay-bagay dito sa mundo, na madalas ay deadma lang.

Ito ang tanong ko: ano ang pinagkaiba ni Lourd sa isang batikan (at underground scene) na awtor na may pen name na Bob Ong?

Narito ang aking personal na opinyon.

Hindi ako masyadong nakabasa ng mga aklat ni Bob Ong pero nakakabasa naman ako kahit kaunti sa Internet at mga pahapyaw sa mga nakikita at nahahawakan kong Bob Ong books tulad ng Stainless Longganisa na pag-aari ng kapatid ng boyfriend ko (Salamat Carisa at happy birthday ulet). Para sa akin, ang napansin kong pamamaraan ng awtor na iyon ay gumagamit siya ng "simpleng" linggwahe - yung tipong mga low IQ ay pwedeng magbasa. Samakatwid, maaaring ang iniisip ng mga matataas ang pinag-aralan kay Bob Ong ay "ang manunulat na nagsusulat ng mga librong para sa mga tanga ang pag-iisip".

Pero may malalim na kahulugan ang pagsusulat ni Bob Ong ng "nonsense" Filipino. Maaaring ipinapamukha sa atin ng awtor ang unti-unting pagbaba ng ating karunungan sa pagbasa at pagsulat. Alam din niyang sobrang tamad na ng mga Pinoy ngayon (lalo na ang mga kabataang Facebook, gimik, at magpaka-OMG lang ang alam) na magbuklat ng mga aklat, at minsan ay tamang E-books na lang sila (pero okay narin ang E-books kaso para sa akin nakakasakit ng mata). Kaya ang ginawa niyang istilo ay ang "pang-masa" o yung maiintindihan ng mga makikitid ang utak na "mainstream people". Yung mga dumedepende sa uso at trend. Kasi nga naman, sa paglago ng teknolohiya, nababawasan na ang IQ level ng mga kabataan. Tapos idagdag pa ang pagka-OA ng ilang mga "professional" at "high and mighty people". Yung mga taong hindi open-minded, alam mo na yun.

Maganda rin naman ang istilo ni Bob Ong - kumbaga sa music ay Lito Camo or Yeng Constantino. Kumbaga sa channel ay ABS-CBN or GMA.

Pero iba si Lourd de Veyra.

Biglang pumasok sa isip ko na baka mayroon mga taong makikitid ang utak na sinasabing "sino ba yang si Lourd? Papogi effect? Basta Bob Ong parin ako. Hindi ko maintindihan ang professionalism ni Lourd." Ngayon kung may ganito mang tao, humanda ka sa aking sasabihin. Hahaha.

Si Lourd de Veyra ay graduate ng Journalism sa Unibersidad ng Santo Tomas, bokalista ng Radioactive Sago Project, at nanalo ng madaming mga parangal tulad ng Palanca awards. Madami na rin siyang mga literary works, at syempre ang mga blog posts nya sa Spot.ph. Isali narin natin ang kanyang mga segments sa TV5 (dating ABC 5 para sa mga hindi nakakaalam at walang cable) tulad ng Lupet (dati) at Word of the Lourd, kung saan isa siyang mapangahas na kritiko ng kultura at lipunan ng ating bansang Pilipinas.

Kung magbabasa ka sa Spot.ph blog niya o bibili ka ng kopya mo ng This is a Crazy Planets, hindi ko alam kung matatawa ka, maaaliw, o magagalit, maiinis, at iba pa. Ito lang ang sigurado ko: kung natuwa ka, ibig sabihin pareho tayo ng pananaw. Ngunit kung nainis ka, sigurado akong kasama ka dun sa mga fanatic ng Azkals at isa sa mga Jejemons na pakalat-kalat sa tabi-tabi.

Hindi lang si Willie Revillame o lahat ng mga batikang artista sa TV5 ang nagpapalakas ng istasyon nila. Pag-isipan ninyong mabuti. Ano ang makukuha natin sa sobrang showbiz talk shows? Uunlad ba ang bansa kapag mas dumami ang mga romance movies na pasimuno ng Star Cinema or Viva Films? Basta, marami pang iba na hindi ko na kailangang pang banggitin katulad ni Justin Bieber at ang Super Junior (at madami pang mga "popstars" at "rockstars"). Malamang mapapaisip ka kapag nanood ka ng ilang mga episode ng Word of the Lourd. Mararamdaman mo na para ka nang nanood ng Discovery Channel pero classic Pinoy flavor and dating.

Pero sa dulo ng kompetisyon, nasa atin kung sino ang tunay na panalo. Tayo lang ang makakapagsabi kung ano para sa atin ang maganda at pangit. Walang sino man o ano mang mainstream trend, radio station, TV network, at kung sino pang mga tao o grupo na maaaring magdikta sa atin ng tama at mali pagdating sa panitikan. Kanya-kanyang kape lang yan. Kanya-kanyang beer. Siguro gusto ni Bob Ong na magpaka-underground scene kasi naiisip din niya yung naiisip ni Lourd - yun bang tinatawag kong "Stardom Depression" o pagkabagot at pagiging maniac sa pagiging sikat, yung tipong Britney Spears na nag-self-weirdo-hairdo. Pero iba ang istilo ni Bob Ong sa istilo ni Lourd. Parang ganito yun:

Bob Ong: Progressive and Experimental Rock (think Urbandub and Faspitch)
Lourd: Post-Hardcore (yung may mga sigawan at moshpit tulad ng sa samahan ng mga HG sa Lucena)

Pero wala akong kinikilingan. Patas lang kasi magkaiba sila ng genre, parang music. Huwag ikumpara ang Reggae sa Metal dahil magkaiba sila ng lifestyle. Huwag mong ikukumpara si Manny Pacquiao kay Phil Younghusband dahil self-explanatory na yun.

Para wakasan ang aking blog post, ito lang ang masasabi ko:

Paano kung nalaman natin na si Lourd de Veyra at si Bob Ong ay iisang tao lang pala?

No comments: